Thursday, February 17, 2005

wala lang...

Minsan hindi ko maintindihan ang buhay. Maraming mga bagay na nagyayari na hindi mo inaasahan at maaaring hindi mo gusto pero wala kang magawa para pigilan ito. Ang tanging magagawa mo lamang ay isiping may dahilan kung bakit nangyayari ang mga bagay-bagay.

Dati naniniwala ako na ang mga sugat na nararamdaman mo ay maghihilom sa paglipas ng panahon. Oo, noon, iyon ang pinaniniwalaan ko pero lahat ng bagay nagbabago pati na paniniwala natin lalo na kapag nandoon ka na sa sitwasyong iyon. Mahirap malimutan ang sakit na naidulot ng mga pangyayaring sa umpisa pa lang hindi mo na ginusto. Alam mong hindi dapat pero ayaw papigil ng puso mo. Alam mong masasaktan ka pero wala kang magawa para labanan ang sinasabi ng puso mo. At dahil nga wala kang magawa, makikisakay ka na lang sa agos ng mga pangyayari. Masasaktan ka at yun ang pinakamasaklap na maari mong maramdaman. Parang hindi mo kakayanin ang unti-unting pagkadurog ng puso mo. Sa una parang wala lang pero habang tumatagal mas mararamdaman mo ang pagkawasak ng puso mo at ang hirap nitong tanggapin. Sisisihin mo ang puso mo pero wala ring mangyayari. Siya na rin ang nagsabi na masarap pero masakit ang umibig.

Alam ko na ngayon na hindi madaling kalimutan ang isang taong minahal mo ng lubusan. Pinilit kong kalimutan ang lahat ng masasakit na alaala at itinira lamang ang masasaya ngunit hindi iyon naging madali. Iniwasan ko ang mga bagay at lugar na makapagpapaalala sa kanya pero ang hirap talaga. Dumating na nga sa punto na gusto ko na lang isipin na hindi ko sya nakilala kahit kailan pero wala pa rin. Isang bagay ang natutunan ko, kapag mahal o minahal mo ang isang tao, hindi na sya mabubura sa isip mo, o kung mabura man sya sa isip mo, mananatili pa rin sya sa puso mo.

Bakit ko nga ba to sinasabi? Sa totoo lang, hindi ko rin alam. Siguro dahil marami na namang bagay ang nagpapaalala sa kanya. Sa loob ng tatlong taon, isang tao pa rin ang nasa puso ko at nahihirapan na ako. Nasira na nga ang pagkakaibigan namin dahil dito pero ayaw pa rin talagang tumigil ng pasaway kong puso. Gusto kong maniwala sa sinabi nya na magkaibigan pa rin kami at walang magbabago pero mahirap paniwalaan ang isang bagay na hindi mo nakikita at nararamdaman. Sana nga ganon, sana lang.

“Sabi ko suko na ako. Sabi ko di na kita mahal. Sabi ko malilimutan rin kita. Sabi ko di na kita kailangan. Sabi ko okay na ko. Sabi ko yun… pero hindi yun ang nasa puso ko.”

1 comment:

Cerise said...

gusto kong sabihin na napakaganda at nakakaiyak ng post mo... pero, ewan ko ba... hindi na kase ganyan ang paniniwala ko...
alam ko naman na you're strong... though hindi pa man yun ngayon, you'll get over him... kaya mo yun noh... wag ka lang masyadong magd-dwell sa past...
sabi nga ni jessica zafra, "it is the nature of love to burn itself out"
totoo naman di ba? kase sabihin man natin na mamahalin natin forever ang isang tao, hindi yun posible... no such thing as forever nga di ba?
ah basta, di ko na naiintindihan ang pinagsasabi ko. ang nais ko lamang ipahiwatig ay makakalimutan mo rin siya. at kapag naalala mo siya in the future, maiisip mo ang mga "katangahan" mo, at gagamitin mo yun para di na magkamali ulit...
at, shempre, i'm speaking from experience. :D